
“kamusta?” ang bati niya rito
“matumal gaya ng dati” sagot ng payat na lalaking nakaupo sa ilalim ng waiting shed.
“matumal ka diyan, di ka lang marunong makipagusap kaya napagiiwanan kita”, ang pagmamayabang ng binatilyong nakasando sa kabila ng malamig na panahon.
wala siyang ganang makipagusap o kahit makipagbiruan sa dalawa. mas pinili niyang titigan ang mga matitingkad na parol at ang mga umiilaw na maliliit na bumbilyang nakasabit sa puno sa loob ng pabilog na parke sa kanyang harapan. naalala niya ang araw na nadatnan niya ng kanyang inang wala nang buhay ngunit dilat pa rin at nakatitig sa makukulay na ilaw ng mga bumbilyang iyon.
isang tapik sa likod ang nagbalik sa kanya sa kasalukuyan.
“lalim ng iniisip natin tsong ah” sambit ng payat na lalaki.
“may naalala lang ako. san na yung kasama mo?”
“ayun.. nakalarga na. sando lang pala ang puhunan, sana nagsando na lang din ako” sabay tawa magisa sa birong kanyang ginawa.
“baka lipat na lang ako ng pwesto, hirap mong kalaban e”
ngunit tila wala siyang narinig at di inalintana ang pagalis ng kanyang kasama. naalala niya ang mga malulungkot na paskong pinagdaanan niya. at di na siya magugulat kung dadagdag ang paskong ito sa kanyang listahan.
puno ng galit ang kanyang puso para sa kanyang sarili dahil sa landas na kanyang pinili. ang inaakala niyang mabilis at masarap na landas ay pawang balat-kayo sa madilim at malamig na buhay. mas malamig at mas madilim pa sa gabing iyon. ngunit ang galit ay unti-unting napalitan ng lungkot at awa sa sarili. marami na siyang sinayang na oras at di na siya muling makakalabas sa magulo at maduming mundo na kanyang pinasukan.
“pre.. anong oras na?!” bangit ng isang binatilyo na nakaupo sa kabilang dulo ng waiting shed.
“di ko alam tol. wala akong relo”
“e cellphone meron ka?” sabay tutok ng matalim na bagay sa kanyang tagiliran.
ngunit kahit takot ay di kinakitaan sa kanya ng binatilyo. hindi man lang siya bumalikwas o nagbago ng posisyon dahil sa panganib na dala ng binatilyong iba pala ang hanap. hindi na siya natatakot. naging bato na siya sa panganib na dala ng kalaliman ng gabi. maswerte pa siyang ipinaramdam muna sa kanya ng binatilyong iyon ang patalim. madalas kasing mangyari sa kanya pati na rin sa kanyang mga kaibigan na madamay sa gulo ng mga gang at mga motoristang walang magawa sa buhay. ilang bato, bote at bakal na rin ang kanyang nailagan makaiwas man lang sa gastos pangpaospital.
nilingon niya ang binatilyo sabay dakma sa sandatang kanina pa nakatutok sa kanya at sinabing “baguhan ka siguro dito.. at di mo ko kilala. parehas lang tayong naghahanap buhay. kahit kapkapan mo pa ako ay wala kang makukuha sa bulsa ko”. unti unti niyang binitawan ang kamay ng binatilyo na agad rin namang kumaripas ng takbo.
“lokong yun” ang tangi niyang nasambit sa sarili.
natawa siya sa kanyang sarili kung paano niya naiwasan ang bagay tulad nun. sa tagal niya sa ganung uri ng trabaho ay di na siya natatakot sa iba pang elemento ng dilim. kungisa siguro siya sa ordinaryong mamamayan ay agad na niyang binigay ang lahat ng kanyang dala kapag natutukan na ng kung anong matulis na bagay.
napansin niya ang isang babae na nakatayo sa di kalauan at palakad lakad habang ngumunguya ng babolgam. parang nasa trenta’y-singko sa kwarenta na ang kanyang edad. nakasuot ng lilak na pangitaas na di na kaya pang suportahan ang kanyang dibdib at animo’y parte na ng kanyang tiyan. ang kanyang pangbaba ay maong na short na hindi man lang umabot sa kalahati ng kanyang hita. alam niya ang trabaho ng babaeng yun. sa tagal niya sa ganung uri ng buhay, lahat na ng pwedeng makasalamuha ay nakasalamuha na niya.
at siya ay napabuntong-hininga
tama. matagal na siya sa trabahong iyon. at naging bihasa na siya sa kalakaran ng ganung uri ng pamumuhay. pagod na siya. alam ng isip at katawan niya na pagod na siya. hindi niya alam kung kaya pa niyang magtagal tulad ng babaeng kanyang nakita. hindi niya alam kung may mga tao pa ring handang magbayad para lang matikman siya. hindi niya maisip kung kaya pa rin niyang magbenta ng katawan kapag kulubot na ang kanyang balat.
hindi man niya kayang pangalagaan ang kanyang katawan ay mahusay niyang napagingatan ang kanyang puso. na sa kabila ng madumi niyang kalakaran ay naghahangad pa rin siya ng isang taong magmamahal sa kanya ng lubos at walang alinlangan. di siya manhid pagdating sa pagibig. marami na siyang nakilala at nagustuhan ngunit lahat ay panandaliang ligaya lang ang hanap.
lumalalim na ang gabi at palamig na ng palamig ang simoy ng hangin. madalang na rin ang mga nagdadaang sasakyan. di na rin niya napansin ang babaeng nakatayo kanina sa kalsada papuntang quezon avenue. sa kabila ng lahat, naisip niya na ayos lang na wala siyang kita sa gabing iyon. wala naman siyang dapat regaluhan o di naman niya kelangan maghanda pagdating ng pasko. ang gusto niya lang ay makasama ang isang tao na kanina pa pumapasok sa kanyang isipan. natanaw niya mula sa malayo ang isang kotseng pamilyar sa kanya. habang palapit ito ay namukhaan na niya ang nasabing kotse sapagkat maraming beses na siyang sumakay rito. unti unting nagkaroon ng ngiti sa kanyang labi at nabuhayan siya nga dugo. lalo na nung bumukas ang bintana at narinig niya ang mga salitang..
“…angelo! sakay na.. ;)”
*ang mga taong nabanggit sa kwentong ito ay pawang kathang-isip lamang. ang pagkakaparehas ng pangalan ay sinadya upang bigyang hustisya ang pagtatapos ng kwento” :))Labels: fiction, original, poetry