 |
chariot |
sa sinaunang roma, isang paraan ng pagpapataw ng kaparusahan ay ang pagtatali ng nasasakdal sa isang
chariot at kinakaldkad paikot ng siyudad. nasaksihan rin ito ng tinalo ni Achilles si Hector sa isang duelo. di lamang pisikal, pati na rin mental at sikolohikal na pagkatao ang niyuyurakan ng ganitong uri ng pagpaparusa.
maihahambing ko ang aking buhay sa isang taong nakatali sa likuran ng isang
chariot. di mo alam ang patutunguhan ng iyong pagtakbo. maaaring maging malubak ang daan, maari rin namang patag. marami kang makakasalamuha na tao. may mga tatawa sayo, may maaawa. meron makikiusyoso, meron ding makikitakbo. merong tutulong, meron ding mambabato. may mangiiwan. sa bandang huli, sarili mo pa rin ang iyong kakapitan.
dadaan ka sa madilim na kweba, minsan sa matarik na bangin. minsan sa tabing dagat, minsan doon sa mahangin. makakarating ka rin sa kabundukan, pati sa malawak na kapatagan. minsan sa disyerto, minsan sa paraiso. maaaring di sumangayon sa iyo ang panahon. bigyan ka ng mainit na klima o bagyo sa paglalakbay. at panigurado'y darating ka sa pagkakataon na ika'y mapapagod. madadapa. susuko. at mas nanaisin mo na lang na manatiling nakatihaya o nakadapa, nakadilat na buhay na bangkay na sumuko sa pagsubok ng buhay.
di mo ba naisip na mas mahirap kaladkarin ang nakadapa? na mas marami pang masakit na bagay na iyong pagdadaanan kung nanatiling kang nakahiga? na mas mabilis kung tatayo ka at hahabol sa pagtakbo. lalaban hangang sa huling hininga? nawalan ka ba ng trabaho? nasunugan ka o nanakawan? namatayan? di pumasa sa pagsusulit? niloko ng kapareha? ano naman?!
kahit saan mo tignan, patuloy na uusad ang buhay ng wala ka. hindi mapapagod ang araw sa pagsikat at sa pagangat ang buwan. ang pagsuko sa mga hamon ay parang pagdagdag lang sa kabiguan na iyong nararamdaman. wala nang iba ang magtatayo sa iyo kundi ang sarili mo. mas madaling tumayo at humabol sa pagtakbo. nasa sa iyo lamang kung mas pipiliin mong nakahilata, bigo, at walang pinatunguhan.