 |
yum? |
sigurado ako nung bata ka, ayaw mo rin kumain ng ampalaya. pero nung tumanda ka na, natutunan mo na ring kumain ng ampalaya kahit mapait, at kahit hindi masarap. kung iisipin mo, parang nagbago ang lasa ng ampalaya. dati'y hindi mo matiis ang pait na dala nito.
anong pagbabago ang meron sa ampalaya na hindi mo nakita o natikman nung bata ka pa?
sagot: wala. walang nagbago sa ampalaya. pero ang siguradong nagbago ay ikaw. sa pagdaan ng panahon, unti unti mong natututunan na hindi lahat sa buhay ay masarap at kasing lasa ng pritong manok, spaghetti at barbeque. at kahit gaano pa kapait ang isang bagay o pangyayari, natututunan natin itong tanggapin, lunukin at namnamin ang aral na dala ng pait ng buhay. mas malalim na ngayon ang ating pagunawa sa konsepto ng kaligayahan, kalungkutan at pighati.
magkagayunman, di laht ng tao may kakayanang tanggapin ang pait nito. may iba na nilulunok na lang at di sumagi sa kanilang isipan na namnamin ang tinatamasang pait. sila yung mga taong walang natututunan sa mga problemang nakakaharap dahil ito'y kanilang nililimot at pinapalampas. nananatili silang mangmang sa kabila ng pare-parehas na problemang kanilang pinagdaraanan.
yung mga taong lunok lang ng lunok kinalaunan, ay tatawaging bitter dahil kahit tapos na ang lahat, nananatili pa rin sa kanila ang pait at galit. at kahit gaano karami pa ang kanilang lunukin, kung hindi nila tanggap sa kanilang sarili na nangyari na ang nangyari, unti unti silang sisirain ng mga masamang alaala na pilit nilang ipinasok sa kanilang sistema.
di ba mas masarap kung tapat mong masasabi sa sarili mo na:
"nasaktan ako. nadurog ako. pero pinapatawad ko na ang sarili ko dahil nangyari na ang nangyari. wala na akong magagawa pa. pain doesn't last forever. alam kong maghihilom din ang sugat ng kahapon. at pag nangyari yon, mas magiging mabuti akong tao."Labels: life, realization