Panaginip. Anong nais mong ipahatid.

unti unti ko nang napagtatagpi tagpi ang mga malalabong pangyayari sa aking panaginip.

habang nakahiga ako sa mabuhanging dalampasigan sa ilalim ng tirik na araw, ay naramdaman ko ang tubig sa aking paanan. napansin kong tumaas na ang tubig na agad kong ikinabahala. kaya napilitan akong lumisan at nagdesisyong magbanlaw. napansin ko ang marka ng namumulang balat sa aking binti na aking natamo dahil sa pagkakabilad sa araw.

habang papunta ng banyo ay nakita ko ang mga kabarkada ko nung kolehiyo. sila ang nakasama ko sa unang dalawang taon ng aking pagaaral. buong gulat at galak ko silang binati ngunit parang di nila ako nakilala. naglakad ako palayo na puno ng pagtataka kung bakit ganoon ang kanilang inasal.

pagpasok ko sa banyo, napansin kong iilan lang ang taong gumagamit ng mga shower. isang malaking kwarto lamang ito na may mga nakalabas na tubo ng shower sa pader ang banyong ito. walang harang o kahit anong bagay ang matatagpuan sa pagitan ng dalawang shower.

pumuwesto ako sa pinakadulo kung saan walang gumagamit.  tumayo ako sa ilalim ng tubo at unti unti kong binuksan ang pihitan nito. dali daling dumaloy sa aking dibdib ang maligamgam na tubig habang iniisip kung anung nangyari sa aking mga kabarakda. kung nakalimot na ba sila o talagang di na nila ako nakilala.

sa lalim ng aking pagiisip, ay di ko na namalayan na may katabi na pala akong lalaki na nakatitig sa akin... at ako'y nagising.

Labels: , ,