hindi sa lahat ng pagkakataon na ang luha ay sumisimbolo ng kahinaan. at ang kasunod sa pagagos nito'y katapusan at pagbagsak.
nagmumula sa masidhing damdaming namumuo mula sa ligaya, galit, pangamba at pighati ang kadalasa'y nitsa sa malayang pagdaloy ng luha na tulad ng hamog sa bukang liwayway. sariwa. malinis ang pinagmulan. tapat sa puso.
hindi tulad ng ngiti na animo'y isang mapanlinlang na maskara na iwinawaksi ang tunay na hangarin at saloobin ng isang tao, na kung hindi puno ng hinanakit, ay puno ng galit at paghihiganti. ang luha ay payak. banayad. totoo.
bagama't may iilan na sa lipunan ang naging bihasa sa paggamit ng luha upang iudyok ang mga nahihimlay na damdamin ng iilan, may mga pagkakataon pa rin kung saan malalaman at mararamdaman mo ang katotohanan at tunay na mensahe sa bawat pagpatak nito.
sinasabi nilang ang mga mata ang bintana ng ating pagkatao, pero ang luha ang sumasalamin sa tunay nitong kalagayan. hindi maaring mawala ang luha sa patuloy na pagtakbo ng ating buhay. sa kabila ng alat at ligamgam ng luha, ito pa rin ay tubig. at ang tubig ay buhay. at kasama sa mga dagok at paghihirap ng iyong dinaranas ay ang luha na siyang magpapaalala sayo na ikaw ay buhay. nabubuhay. at lumalaban. hayaang dumaloy ang luha dahil pagkatapos nito, mas maliwanag at malinis na ang pagtingin mo sa hinaharap.
ikaw? kelan ka huling lumuha?