ang bigat.

tama ka.  mahirap ang nasa ibaba. lalo na't sinasamsam mo ang bawat sandali na nagiisa. mabigat. maraming huwad sa mundo ang nakapaligid sayo. mga taong di mo alam ang nais. mga taong di alam na sila mismo'y nagpapapnggap at nagpapadala sa kanilang damdamin. na minsa'y nagbabalat-kayo sa anyo ng pagibig, pagkakaibigan, pagnanasa, o kaya'y galit.

pero minsan, mas mabuti na ring nasa ibaba ka. mas nararamdaman mo ang ang unti-unti mong pag-angat kinalaunan. mas makikita mo kung sino lang ang tunay na may pakialam. mas di ka matatakot sa pagbagsak dahil alam mo mismo sa sarili mo na nanggaling ka na dun. bagamat masakit ang bawat pagtama sa bawat pagbagsak, alam mong kakayanin mong makabangon muli. dahil nagawa mo na iyon ng paulit-ulit.

di tulad kung ika'y palaging nasa itaas at napapaligiran ng mga huwad. nalululong ka sa ideya na naabot mo na ang rurok kasama ang mga taong nakasuporta sayo. pero di mo magawang makita na ang natitirang daan lamang para sayo ay ang pagbagsak. ang mga taong talagang sumusuporta sayo paitaas ay nasa ilalim. sila yung mga pumipigil ang iyong mabilis na paglubog. hindi yung mga taong katabi mo sa itaas. na kilala ka lamang dahil sa iyong kinalalagyan at hindi dahil sa iyong mga pinagdaanan.

maging masaya ka. dahil ikaw'y nasa ibaba. dahil alam mong ang tanging daan para sayo ay pataas. maging masaya ka sa mga taong kasama mo sa ilalim. dahil tapat sila sa iyo. sila yung mga nagsisilbing kutson kung sakaling dumausdos ka pababa. ganun naman lagi. madadapa ka at babangon. at gagawin mo yun ng maraming beses.

hindi naman ginawa ang tao para laging nakahiga. pagdating ng liwanag, kelangan mo na ring bumangon. ang araw din di tumitigil sa pagsikat. sana ikaw din. di ka tumigil sa pagbangon. kahit gaano kasakit. kahit gaano kabigat.

Labels: , , ,